[Verse 1] Nang aminin ko'ng mahal kita lahat sila ay nagtawa. Turing mo nga sa sulat ko'y pakalat-kalat na basura Simula noo'y walong buwan na tayong 'di nagkibuan Kahit sa silid paarala'y magkasunod pa'ng ating upuan. [Verse 2] Mga iniaabot na pagsusulit na sa kin ang siyang hangganan Mula sa iyong pagtangan ay sinisikap ko na maiwasan. Pagkat ang pagsagi sa iyong daliri'y alaala lang na sa ʻyo'y sawi Kung kaya't patay-malisya na lang bulag ako kun'wari. [Bridge 1] Pilitin man, o subukin man na sa 'yo ako'y muling masdan Pagkunot sa pagitan ng iyong kilay hudyat ng iyong pagdaramdam. Wari ba'y ang paggiliw ko sa 'yo'y lubhang kasuklam-suklam At ang pagtatama ng ating mata'y tagos sa 'king kalooban. [Verse 3] Ang palahaw ng damdamin ko'ng aba pinid sa aking kaluluwa Naghuhumiyaw at nagsasabing "Minamahal kita, alam mo ba?" At sana kahit man lang isang himala makapawi ng pagdurusa. Isang sulyap mo pa sana'y batid mong wagas aking pagsinta. [Verse 4] Uminog ang panahon at ang mga oras ay sumulong Ngunit ang puso ko ay patuloy na bumubulong Sana ay ma'takdang muli na tayo'y magkasalubong. Aking pilit palalayain puso kong sa 'yo'y lulong [Bridge 2] Kaya nang minsan nga malandi yaring tadhana Akala ko nga'y isang banta o biro lang ni Bathala Ang paghaharap nati'y ang pangarap ko sa tuwina Ikaw sa aking mga mata'y maamo na Ako sa iyong mga mata'y masigla na! [Chorus 2] Mukhang tapos na ang sumpa naulinigan ko sa 'yong mga salita Mula sa iyong mga labi ang damdamin mo wika'y may mali. Dulot ng mailap mong damdamin may iba palang nagmamay-ari Kung kaya aking pagbabaka-sakali'y hindi ko maipagwagi-wagi. [Verse 5] Bagama't abog na iyon na ako'y tuluyan nang sinawi. Ang mahalaga'y mula sa king mga labi "Mahal kita" aking namutawi. 'Di na mahalaga ang iyong damdamin na aking minimithi Sapat na ang mga salitang sa 'yo ay aking naihikbi [Chorus 3] Bakas sa iyong mga mata ang pinto ng aking pag-asa Aba! Teka, mali yata ako ng duda? Biglang sinabi mong kayo ng kapareha'y wakas na? Iniwan ka niya, at minarapat na sa aki'y makipag-ayos na Hiniling mo ang aking pagdamay at sana sa iyo ay umagapay [Coda] Isang matalik na kaibigan ang nais mo'ng ako'y maging tunay Bagaman wala kang pag-ibig sa 'king nararamdaman Ikaw ang una kong pag-ibig kahit tayo'y maging ano pa man